BCES, Laging Handa!
Post date: Nov 28, 2012 1:44:38 AM
Di maikakaila na ang trahedya at kalamidad ay dumarating sa oras na di inaasahan. Ngunit ang Bo. Central Elementary School ay regular na nagkakaroon ng mga gawain at pagsasanay kung anu-ano ang nararapat na gawin at iasal kung saka- sakali mang ito ay maganap.Patunay na rito ang regular na Earthquake Drill na isinasagawa sa ating paaralan. Noon lamang nakaraang Marso 1, sa pangunguna ni Bb. Ellen C. Macaraeg, ating punung-guro, at sa paggabay sa mga mag-aaral ng ating Coordinator sa Risk Reduction Management na si Gng. Mary Grace Sobiano ay ipinakitang muli ng ating mga mag-aaral ang wastong kilos at gawi sa mga ganitong pagkakataon.
Kanilang isinagawang muli ang Duck, Cover and Hold na siyang nararapat na gawin. Matapos nito sila ay pumunta sa isang open space kung saan siniguro naman ng mga guro na ang mga mag-aaral ay kumpleto at ligtas na nakalabas sa mga silid-aralan.
“ Ang regular nating pagkakaroon ng Earthquake Drill ay ang ating magiging susi upang ating mapagtagumpayan ang lindol, kung saka-sakali mang mangyari ito. Inaasahan namin mga bata na lagi ninyo itong isasaisip,” wika ni Bb. Macaraeg.
“Dapat tayo ay laging handa upang manatili tayong ligtas,” pagwawakas pa ng ating punung-guro.