Buwan ng Wika
Post date: May 19, 2011 10:50:38 AM
Taon-taon sa tuwing sasapit ang Agosto, ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika. Ngayong taon, ito ay may paksa: “Sa Pangangalaga sa Wika at Kalikasan, Wagas na Pagmamahal Talagang Kailangan.” Ito ay inilunsad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iba’t-ibang aktibidad sa bawat baitang, tulad ng Tagisan ng Talino na nilahukan ng mga mag-aaral sa ika-una hanggang ikatlong baitang. Siyam na mag-aaral ang lumahok dito ngunit tatlong mag-aaral lamang ang nagwagi, sila ay sina Angelica B. Alonzo, Justin Raine S. Roman at Joanarose N. Isidro, sila ay pawang nasa ikatlong baitang, pangkat isa.
Nagsagawa rin ng Malikhaing Pagguhit at Pagsulat ng Sanaysay ang mga mag-aaral sa ika-apat hanggang ika-anim na baitang. Anim ang lumahok sa Malikhaing Pagguhit na may paksa: Ang Pilipinas, Noon at Ngayon. Ang mga mag-aaral na nagwagi ay sina Charlyn Lisondra mag-aaral sa IV-1, Josabeth Samas at Jennifer Cabico, mga mag-aaral sa VI-1.
Ang Pagsulat ng Sanaysay ay may tema na naaayon sa paksa sa Buwan ng Wika, anim din ang lumahok sa paligsahang ito at ang mga nagwagi ay sina Lloyd Dexter Briz, mag-aaral sa IV-1, Jerico Hipolito, mag-aaral sa V-1 at Mary Ann Guinto, mag-aaral sa VI-1.
Naging makabuluhan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika nang magkaroon ng maikling palatuntunan noong ika-31 ng Agosto, 2010, ganap na ika-3:00 ng hapon.
Ito ay sinimulan sa panalangin ni Rizza Cervantes mag-aaral sa IV-1, sinundan ng pag-awit sa Pambansang Awit sa pagkumpas ni Gng. Mary Grace C. Sobiano, guro sa unang baitang. Nagbigay din ng pagpapaliwanag ukol sa wika si Gng. Agnes O. Magdalera, inilahad niya na sa wastong paggamit ng wika ang bawat tao ay magkakaunawaan, gayundin ang matinding pagpapahalaga sa ating Inang Kalikasan.
Lalo pang naging masaya ang pagdiriwang nang magpamalas ng mga natatanging bilang ang mga piling mag-aaral sa ika-una hanggang ika-anim na baitang. Kanya-kanyang pagalingan ang mag-aaral sa pagtula at pagsayaw, tulad ng mga mag-aaral sa I-C at I-S, Song Interpretation ang kanilang ipinakita sa awiting “Ako ay Pilipino.” Hindi rin nagpadaig ang mga bata sa II-1 dahil sila ay sumayaw sa tugtuging Paru-parong Bukid. Tula naman at sayaw ang natatanging bilang ng mga mag-aaral sa III-1 at III-2. Ang sayaw na bulaklakan ay ipinamalas ng mga mag-aaral sa IV-1. Ang mag-aaral sa V-1 at VI-1 ay sumayaw ng Pandangguhan sa Ilaw at Polka sa Nayon.
Pagkatapos ng mga natatanging bilang ay ipinagkaloob ang mga regalo sa mga batang nagwagi sa Tagisan ng Talino, Malikhaing Pagguhit at Pagsulat ng Sanaysay, ito ay ipinamahagi ni Gng. Agnes O. Magdalera, Katuwang ang mga koordinator sa buwan ng Agosto na sina Gng. Alita E. Dayrit at Gng. Editha R. Dela Peña.
Masasabing makasaysayan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Paaralang Elementarya ng Bo. Central!