EDUCHILD Seminar, Gabay sa pagiging mabuting magulang
Post date: Nov 28, 2012 1:30:11 AM
Walang paaralan para sa pagiging mabuting magulang- yan na marahil ang nasa isip ng bawat magulang. Ngunit napakaraming paraan upang maging isa.
Isang napakaepektibo at makatotohanang paraan ay ang Educhild Parenting Seminar na inilunsad sa mga paaralan sa Lungsod ng Balanga sa pangunguna ng ating butihing Punong Lungsod Kgg. Joet Garcia.
May walong modyul ang Educhild Seminar kung saan tinalakay ang mga usapin, problema at ang mga paraan upang maging isang mabuting tagagabay sa mga anak.
Dito sa Paaralang Elementarya ng Bo. Central ay nagkaroon ng 65 na mga magulang na matiyagang nagsidalo mula ika-22 ng Enero hanggang ika-4 ng Marso, sa pangunguna ng head couple na sina G. Gerardo Garcia at Gng. Ana Ma. Garcia, sa paggabay ng ating punung-guro na si Bb. Ellen C. Macaraeg. “Tunay na tayong mga magulang ang may malaking impluwensya sa paghubog ng pag-uugali ng ating mga anak, kaya nararapat lamang na turuan natin sila habang sila ay bata pa ng sa gayon ay lumaki silang mabubuting mamamayan ng ating bansa,”pahayag ni Gng. Ana Maria I. Garcia, pangunahing tagapagsalita sa programang ito.
Ang nasabing programa ay napagtagumpayang matapos ng mga magulang ng ating mga mag-aaral sa ikaanim na baitang.