Bonifacio Day
Post date: May 19, 2011 11:57:0 AM
Ang kalayaan nating mga Pilipino ay pinagbuwisan ng pawis, luha ng ating mga ninuno sa kanilang pakikipaglaban sa mapang-aping dayuhan. Sa pagkakataong ito, hindi lamang tayo dapat magbigay – pugay sa ating mga bayaning nagsakripisyo upang matamasa natin ngayon ang biyaya ng kalayaan. Dapat maalala din natin ang kanilang iniwang mga aral at sikapin muli silang isabuhay mula sa kanilang malasakit sa ating inang bayan, lumuha tayo ng panibagong lakas at kaalaman upang labanan ang mga bagong anyo ng ating pagkaalipin.
Nobyembre 30, petsang tumatak sa ating mga Pilipino bilang pagbibigay parangal sa tinaguriang “Ama ng Himagsikang Pilipino” at “The Great Plebian” , kaugnay ng mga ito ipinaglaban ni Bonifacio, ng Katipunan at ng Rebolusyon, nakamit na ba natin ang mga pinangarap niya para sa bayan? Tunay na malaya na ba ang Pilipinas?
Ang kasaysayan ng ating pambansang himagsikan ay nagsimula sa puso ng bayaning ating binibigyang parangal, si Bonifacio. Ang pakikibakang inilunsad niya ay ang naging ugat ng pagsilang ng ating Bayang Pilipinas.
Kung kaya’t ang Paaralang Elementarya ng Bo. Central, isa sa bagong salinlahi ng bayang pinaglingkuran at ipinaglaban niya ay nakikiisa sa pag-alala sa pamamagitan ng isang palatuntunan na kinakitaan ng sabayang pagbigkas, tula at sayaw na binigyang buhay ng mga bata mula una hanggang ikaanim na baitang na sumasariwa sa mga alaala at aral na iniwan ni Bonifacio sa atin.
Ang kalinangan at kapuri-puring dangal ng Pilipino ay nakapako sa pananaw na sa buhay at gawa ng bawat isa sa atin, sagot natin ang ating bansa. Kilala man o hindi, bawat isa atin ay maaaring maging bayani. Bawat isa sa atin ay puwedeng mabuhay ng taas-noo dahil sa ating bawat kilos kinilala natin na “Bayan ko, Sagot ko”, na dapat ipaglaban at isabuhay. Pundasyong sinimulang patibayin ni Andres Bonifacio na tatatak sa puso’t isipan ng darating na bagong henerasyon.