Haligi at Ilaw ng Tahanan, Pundasyon ng Matatag na Pamilya
Post date: Nov 28, 2012 2:46:36 AM
Pamilya ang pangunahing yunit ng lipunan. Binubuo ito ng magulang at mga anak. Tinaguriang haligi ng tahanan ang ama at ilaw o tanglaw naman ang ina. At silang dalawa ang may napakalaking responsibilidad sa paghubog sa kanilang mga anak upang maging mabuting mamamayan at nang di maglaon ay kapakipakinabang na nilalang ng bansa.
Ngunit sadyang napakaraming hadlang upang lumaking mabuti ang isang anak. Isa na rito ang mga taong kanyang nakakasalamuha sa araw-araw na madalas ay nagtuturo ng mga bagay na salungat sa kagandahang asal. Maaari ring isang dahilan ay ang media na ating napapansin na halos lahat ng luho na pwedeng makuha ng isang tao ay nakatutuksong laging laman ng mga pahayagan at telebisyon. At kung anu-ano pa.
Subalit higit na napatunayan na ang pagiging isang mabuting tao ay nagmula sa isang mabuting pamilya na may mga magulang na walang kapagalang sumubaybay sa kanyang anak. Dagdag pa rito ang resulta ng isang pag-aaral sa mga matatalinong mag-aaral na nagmula sa pribado man o pampublikong paaralan ay may mga magulang na may oras sa pagtuturo at pagbibigay ng suporta materyal man o di-materyal na bagay.
Di natin maikakaila ang higit na impluwensya ng magulang sa anak. Hindi nga dahilan ang pagiging abala sa hanapbuhay upang maibigay sa anak ang mga bagay na ikaliligaya nya. Nararapat lamang na balansehen ang oras upang mabigyan ng atensyon ang mga anak. Maigi nang nasa loob sila ng tahanan at sa kanila mismong magulang humingi ng payo sa mga suliraning kinakaharap ng kabataan dahil ang mga magulang ang higit na magbibigay ng mabuting payo.
Kung ang bawat magulang ay isang mabuting ehemplo sa kaniyang araw, tiyak lalaki itong kayamanan ng kanyang pamayanan at maging ng ating bansa.