June Convocation '13
Post date: Nov 26, 2013 6:43:43 AM
Ang buwan ng Hunyo ay panahon ng pag-alala sa Ika-Isangdaan at labing-limang taon na kalayaan ng ating bansang Pilipinas mula sa pananakop ng mga dayuhan. Ito ay hindi lamang isang selebrasyon na dapat nating ipagdiwang, kundi panahon din ng ating paggunita sa mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay upang makamit at matamasa natin ang ating kalayaan. Dapat nating alalahanin at isapuso kung kailan, saan, papaano at bakit natin dapat ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan.
At bilang paggunita sa araw ng ating Kalayaan nagdaos ang paaralan ng Bo. Central Elementary School ng isang payak na palatuntunan noong Hunyo 28, 2013. Ito ay sinimulan sa pamamagitan ng isang mataimtim na panalangin na pinangunahan ng guro mula sa Ikatlong Baitang na si Gng. Esperanza C. Ruanto, at sinundan ng pagtugtog at pag-awit ng Lupang Hinirang at Dugong Balangueῆo na kinumpasan ng guro mula sa Ikaanim na Baitang na si Gng. Mary Grace C. Sobiano. Isang mainit na pagbati at makahulugang mensahe naman ang hatid ng aming masipag, maganda at mabait na punong-gurong si Bb. Ellen C. Macaraeg.
Upang balikan at ikintal sa puso’t isipan ang mga pangyayari sa ating kasaysayan pinangunahan ni Gng. Alita E. Dayrit, guro mula sa Ikaapat na Baitang ang pagbalik-tanaw sa Araw ng Kalayaan na may temang “Ambagan tungo sa Malawakang Kaunlaran”.
Hindi lamang doon nagtapos ang isinagawang palatuntunan, ito ay sinundan din ng presentasyon at pagpapakitang gilas ng mga piling mag-aaral mula sa kindergarten hanggang sa ikaanim na baitang, dito ipinakita nila ang kanilang talento sa pag-awit, pag-sayaw at pag-tula.
Sa ginawang pagtutulungan ng mga guro, mag-aaral at mga magulang nairaos ng maluwalhati at matagumpay ang palatuntunan sa Araw ng Kalayaan.
Nawa’y naging makabuluhan ang araw na ito hindi lamang sa mga mag-aaral kundi sa bawat isa sa atin.