Brigada Eskwela 2013 tugon sa pangangailangan ng paaralan
Post date: Nov 26, 2013 1:54:32 PM
Ang sampung taon ng Brigada Eskwela ay sinimulan sa pamamagitan ng isang Kick-Off Ceremony sa Plaza Mayor de Balanga na dinaluhan ng ating punung-lungsod na si Mayor Joet Garcia, Vice-mayor Noel Valdecañas at ni Konsehal VJ Fernandez, sinundan naman ng foot parade patungo sa Balanga Elementary School.Ang Brigada Eskwela ay ginanap noong ika-20 hanggang 25 ng Mayo sa lahat ng pampublikong paaralan sa Pilipinas. Ito ay naglalayong matugunan ang mga pangangailangan ng paaralan upang maihanda sa darating na pasukan.
Dito sa Bo. Central Elementary School ay patuloy na sinusuportahan ng mga magulang, komunidad, pribadong mamamayan at ng mga pangsibikong samahan ang gawaing ito ng paaralan. Patunay ang napakaraming volunteer na dumadagsa sa araw-araw at ang pagbaha ng donasyon mula sa mga may mabubuting pusong donor.
Talaga namang ang kanilang 3T’s (Time, Talent at Treasure) ay kanilang taos pusong inihandog para lamang sa mga mag-aaral upang maging kaiga-igaya ang kanilang pag-aaral sa pasukan.
“Mula po sa aming puso kami po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong walang sawang suporta sa mga gawain at pagawain sa paaralan,” nasisiyahang pahayag ni Bb. Ellen C. Macaraeg.
“Sana’y di kayo magsasawang tumugon sa pangangailangan ng paaralan. Amin namang ipinapangako na gagawin namin ang lahat upang mapabuti ang paaralan, higit sa lahat matuto ang bawat batang inyong ipinagkakatiwala sa paaralang ito,” pagwawakas pa niya.