BCES Night
Post date: May 19, 2011 11:25:45 PM
Tuwing sasapit ang buwan ng Enero, hindi maikakaila na buwan na naman ng kapistahan sa iba’t-ibang parte ng bansa. Ito rin ang itinuturing na panahon na kung saan ipinagdiriwang ang kapistahan ng Sto.Niño upang magbalik-tanaw sa pagkabata ni Hesukristo.Ang taun-taong pagdiriwang nito ay isang matingkad na pagpapakita ng ating sama-samang pagkilos upang lalo pa nating mapatingkad ang pananampalataya na iniwan sa atin ng ating mga ninuno. Mahalaga ito sapagkat sa pamamagitan nito ay napagsasama-sama natin ang ating mga pamilya, mga kaibigan at mga kakilala.
Ito rin ang araw na tila baga pati ang kamay ng orasan ay humihinto upang malasin ang kagandahang handog ng sining. Kaya’t halina tayong lahat at muli tayong pumasok sa isang makulay at makahulugang pista ng Sto. Niño. Masaya at makulay ang ginawang paghahanda para sa nalalapit na kapistahan. Ang taunang pagdiriwang nito ay tunay na kapana-panabik sapagkat sa kaarawan ng pista ng Sto. Niño na sumasalamin sa imahe ng batang si Hesus, sila ang mga musmos ang bida.
Kung kaya’t bilang parangal sa mahal na patron ng Brgy. Central. Ang Bo. Central Elementary School ay hindi nagpahuli. Unang nagpakitang gilas ang ipinagmamalaking Drum & Lyre ng paaralan. Sumunod ay isang awit panalangin naman ng mga piling bata sa ika-anim na baitang. Pagkatapos, ang pambungad na pananalita ng punung guro, Gng. Agnes O. Magdalera. Gayundin ang mga mensahe mula sa punong Brgy. Kapitan Ronald N. Caparaz at ang sa PSDS II, Gng. Jeanette L. Andales.
Isang pagbabalik-tanaw sa mga awitin at tugtuging naging sikat at nagpapaindak sa ating lahat, ang “The Best of Yester Years”, ang inihandang bilang ng mga mag-aaral, mula Pre-Elem hanggang ika-anim na baitang.
Tunay nga na naging matagumpay ang nasabing pagdiriwang sapagkat namalas sa napakaraming sumaksi ang lubos na kasiyahan.