NICAP, nagkaloob ng mga uniporme sa mga mag-aaral ng BCES
Post date: Dec 29, 2011 10:20:26 AM
Muli na namang hinandugan ng mga uniporme, payong, kapote at tsinelas ang NICAP Construction sa pamumuno ni G. Romeo Caparaz at Gng. Nelia Lucas ang mga pili at nangangailangang mag-aral ng ating paaralan noong Agosto 9 sa liwasan ng ating paaralan.
Ang kanilang donasyon ay umabot sa P64,048 na muli na namang nagbigay pag-asa sa mga magulang ng ating mga mag-aaral na hindi sila kailanman nag-iisa sa pagtaguyod ng pag-aaral ng kanilang mga anak.
“Sa ngalan ng mga magulang ng mga mag-aaral na napagkalooban ng NICAP, isang taos puso pong pasasalamat sa inyong walang sawang pagtulong sa paaralan,” wika ni Bb. Ellen C. Macaraeg, punung-guro ng BCES.
Matatandaang taun-taon pinagkakalooban ng NICAP ang ating mga mag-aaral upang mapunan ang pangangailangan ng mga bata.
“Alam namin na lagi namin kayong kaagapay sa anumang mithiin ng paaralan. Asahan po ninyo na ang paaralan ay laging handang tumulong sa ating barangay,” pagwawakas pa ni Bb. Macaraeg.
Umabot sa 237 bilang ng mag-aaral ang nakatanggap ng mga nasabing gamit.